Nang sumakay ako sa “butas” na bus
May 8, 2009
Matagal-tagal na rin akong hindi nakakasakay ng “butas” na bus. Tawag ito sa mga bus na walang aircon, bukas ang mga bintana, yari sa kahoy ang silya, at dalawa ang pintuan sa gilid. Madalas silang bumiyahe sa EDSA pero mayroon mangilang-ngilan ding namamasada sa Espana papuntang Fairview.
Huli akong nakasakay noong 4th year college pa ako, kasama ang isang kaibigan sa UST nang sabay kaming umuwi sa Fairview mula sa Arroceros.
***
Muli akong nakasakay ng ganitong bus nitong bandang April. Galing ako sa UST, dumaan lang sa silid ng aming campus paper upang mangumusta sa mga dating kasamahan. Alas-nuwebe na ng gabi ‘yon, madalang na ang mga FX na pa-SM Fairview, at wala pa akong makitang aircon na bus ( madalas yung mga puti’t green na bus bagama’t mayroon na ring orange, yung sa Guardian Angel. ) Kaya pumara na ako ng isang “butas” na bus nang dumaan ito sa kanto ng Espana at Lacson. Kulay-green at puti rin ito pero mukhang matanda na dahil nangangalawang ang bubungan nito. Sa likurang pinto ako dumaan at umupo sa silyang nasa bandang bintana.
***
Mabilis naman ang biyahe dahil gabi na, pero mas pinabilis ito dahil KASKASERO ang drayber, iyong tipong nagsweswerb na ang bus, pa-gewang-gewang sa kalsada. Napansin kong tila lumilipad na ang bus nang nasa Commonwealth na kami, bandang Fairview. Putsa, parang mamang lasing ito na pagewang-gewang habang umiiwas sa mga sinusundan na kotse’t bus . Samantalang hinahanginan ang buhok at mukha ko, (na kanina pang nangamoy usok dahil bukas ang mga bintana), kinabahan ako na natuwa dahil nag-joyride si Manong drayber. Kabado dahil baka magkamali ng preno o ikot ng manibela si manong at kung saang center island, building, o bangketa kami mapasadsad. Masaya dahil, mabilis ang byahe at at the same time para kaming daredevil na lumalagpas sa nakasanayaang bilis ng pagbibiyahe. (tandaang mabagal ang daloy ng trapik sa Fairview, lalo na pagrush hour sa umaga at uwian pag alas sais ng gabi kaya pambihira ang ganitong pagkakataon paspasan ang byahe).
Nakababa naman ako sa amin (sa tapat ng isang sangay ng Jollibee) na buo ang katawan, pero pagod nga lang at nagpapasalamat na hanggang kaba lang ang inabot ko.
***
Ano kaya ang magiging karanasan ko sa mga susunod na pagkakatong makakasakay ako ng “butas” na bus? Baka sa mga bus na siksikan sa pasahero pa rin ako papara…At pagkatapos naman ay mistulang sinapian ni Evel Knievel ang drayber na magmamaneho nito?
Kailangan ko pang sumakay sa mga “butas” na bus. Nasa loob ang sagot sa tanong ko.
Trackback this post | Subscribe to the comments via RSS Feed